Information technology, nursing, sales, at skilled labor ang ilan sa tinaguriang “hot jobs" sa katatapos lamang na survey ng Department of Labor and Employment.
Sa pahayag ng DOLE sa website nito (www.dole.gov.ph), ang mga malalaking kumpanya ay nakararanas ng kakulangan sa mga manggagawa na mayroong parehong kakayanan ng high-end at blue-collar type.
"Occupations in the talent shortage list which appeared common across industries were as follows: accountant, computer programmer, engineer, financial analyst, HRD manager, IT technician, lawyer, manager, nurse, and sales/marketing representative," ayon sa pahayag ng DOLE.
"Hot jobs" ang tawag sa trabahong in-demand at mahirap mahanapan ng manggagawa dahil sa kakulangan o kawalan ng mga kwalipikadong aplikante.
Ilan sa mga mga nabibilang na 'hot jobs' at ang industriyang kinabibilangan nila ay:
* Mining and quarrying - geologist, at mining engineer
* Manufacturing - assembler, autocad designer, engineer, machinist, welder, safety officer
* Electricity, gas, and water - electrical engineer, lineman, plant operator
* Construction - engineer, fitter, plumber, skilled laborer, TIG pipe/place welder, tinsmith
* Wholesale, retail - administrative assistant, artist, baking technician, pharmacist, sales clothing technician, product planning at pricing officer, technical support specialist
* Hotels, restaurants - HR manager, operation board position, restaurant manager
* Transport, storage, communications -account manager, mechanics, IT specialist
* Financial intermediation - actuarian, auditor, bookkeeper, programmer, underwriter
* Real estate, renting, business services - architect, engineer, environmental scientist, trainer
* Education - clinical instructor
* Health, social work - medical technician, nurse, technician, respiratory therapist
* Iba pang komunidad, social, personal service - post-production editor
Lumabas sa nasabing survey na umaabot ng isang buwan bago mapunan ng mga aplikante ang mga bakanteng trabaho.
Ayon kay Labor Secretary Arturo Brion, ang mga bilang mula sa survey ng Bureau of Labor and Employment Statistics (BLES) ay nagpapakita na ilang malalaking kumpanya sa Metro Manila ay humarap sa kakulangan ng kwalipikadong aplikante sa loob ng tatlong taon.
Iginiit ng kalihim na hindi na ito bago, sapagkat noong March 2006 Jobs Summit at 2007 National Human Resource Conference, naging matumal din ang naging resulta ng pagpuno sa mga kinakailangang trabahador.
Pinayuhan niya ang mga estudyante at mga baguhang manggagawa na ituon ang kanilang pansin sa pagkuha ng mga nararapat na kakayanan at kwalipikasyon upang mapunan ang mga ‘hot jobs,’ hindi lamang para sa kanila kundi maging para sa ekonomiya.
Sakop ng BLES survey ang 448 na malalaking negosyo sa buong Kamaynilaan. Ang mga samples ay kinuha sa listahan ng nangungunang 5,000 negosyo sa bansa. Ang pagkuha ng datos ay nagsimula noong Enero hanggang Marso bilang rider questionnaire sa ika-apat na kwarter ng 2006 labor turn over survey.
Ipinakita ng survey na isa sa bawat tatlong kumpanya ay nakaranas ng skills shortage. Sa nakalipas na tatlong taon, 136 o 30.3 porsiyento ng 448 na respondents ang nakaranas ng kakulangan ng kwalipikadong manggagawa sa mga piling trabaho. Karamihan sa kanila ay nasa negosyo ng wholesale at retail (31.1 porsiyento) at manufacturing (28.2 porsiyento). Samantalang ang natira ay sa iba pang sector.
Samantala, iniulat ni Brion na ang DOLE ay kasalukyang nasa “supply side" na taon at sinusuri nila ang kakayanan at ang available manpower sa mga lugar na tinagurian nila bilang “key employment generators." - Mark J. Ubalde, GMANews.TV
http://www.gmanews.tv/story/49567/Listahan-ng-hot-jobs-inilabas-ng-DOLE
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


No comments:
Post a Comment